PRIVILEGE SPEECH RENATO "Ka Rene" B. MAGTUBO Partido ng Manggagawa (PM) January 29, 2007
Honorable Speaker, Distinguished Members of this August Chamber, I rise on a question of personal and collective privilege. This representation is very much concerned to the plight of the unsung heroes of this nation, the noblest of all professionals; I am referring to, Mr. Speaker, Your Honors, the public school teachers of the country.
The Constitution in Article XIV, Section 5, paragraph (5) states and I quote:
"The State shall assign the highest budgetary priority to education and ensure that the teaching will attract and retain its rightful share of the best available talents through adequate remuneration and other means of job satisfaction and fulfillment."
Mr. Speaker, mga kagalang-galang na kinatawan. Lahat tayo ay hindi makatutuntong sa kapulungang ito kung hindi tayo nagsipag-aral. Kung hindi tayo dumaan sa pagkalinga, gabay at pagtitiyaga ng mga taong pinili ang patriyotikong propesyong ito. Walang sinuman sa atin ang buong pagmamalaking makatitindig sa kapulungang ito ngayon kung hindi dahil sa ating mga guro. Napakahalaga ng pagtuturo na ayon sa UNESCO, ito ang siyang pinakamahalagang trabaho at itinuturing na isa sa pinakamarangal na propesyon sa mundo.
Sa kabila ng nabanggit nang kahalagahan ng mga guro sa bawat isang indibidwal at sa buong lipunan, ang ating pamahalaan ay lubhang nagpapabaya sa sektor na ito. Napakalinaw ng isinasaad ng ating Konstitusyon para sa kapakanan ng mga guro, subalit kabaligtaran nito ang nagaganap. Ang Malacanang, ang Senado at maging ang Kapulungang ito ay nagte-tengang kawali sa karaingan ng mga guro. Naging manhid sa samu't-saring abuso, hirap at pasakit na tinitiis ng ating mga titser sa bawat araw. Naging pabaya sa mga tagahubog at tagapagkalinga ng ating kabataan.
Malaking pagkakamali ang nagawa nang ipasa ng Kongreso ang Salary Standardization Law (RA 6758) noong taong 1989. Ipinako ng batas na ito sa Salary Grade 10 ang benchmark position ng mga pampublikong guro. Ibinilang sa mga pinakamababang propesyon ang dapat sana ay pinakamarangal. Pinag-aralan na ng Joint Congressional Committee on Education noong 1991 ang usaping ito at nagbigay na ng kongklusyon na nagkamali nga ang Kongreso sa paglalagay sa mababang ranggo sa mga guro. Subalit magmula pa noong umamin sa pagkakamali ay walang signipikanteng hakbang na ginawa ang Kongreso upang ito ay itama.
Sa kasalukuyan, ang salary grade 10 na ito ay may katumbas lamang na halagang P9,939.00. Ganito kaliit ang buwanang sahod na ibinibigay ng gobyerno sa ating mga guro, na pilit pinagkakasya sa lahat ng pangangailangan ng isang pamilya ng titser na babawasan pa ng napakaraming kaltas. Ganito kaliit ang sahod ng mga pampublikong guro mula pa noong taong 2001. Ganito kaliit ang halaga ng mga guro sa paningin ng kaniyang employer - ang gobyerno ng Pilipinas.
Mr. Speaker, mga kagalang-galang na kinatawan, gusto kong tanungin ang bawat isa sa inyo, sa palagay ninyo ba ay sapat ang sahod na ito bilang kapalit ng napakarami nilang sakripisyo? Kung ang isang kinatawan kaya ng kapulungang ito ang sumasahod ng ganitong kakarampot na kita, paano kaya siya mabubuhay nang marangal?
Sang-ayon sa NEDA, noon pang 2nd quarter ng nakalipas na taon ay mangangailangan na ng higit sa halagang P19,000.00 ang isang pamilya sa Metro Manila . Napakalayo ng agwat nito sa ibinibigay sa kanila ng gobyerno. Lumalabas na mayroong living wage gap na higit pa sa P10,000 ang mga public school teachers. Ito ay tahasang paglabag sa diwa ng Magna Carta for Public School Teachers at maging ng ating Saligang Batas na dapat bigyan ng adequate remuneration, kung hindi man Living Wage, ang lahat ng mga guro na siyang humuhubog sa mga magiging manggagagawa at mamamayan ng bansang ito.
Mr. Speaker, ayon mismo sa kompyutasyon ng Teachers' Dignity Coalition, isang samahan ng mga guro, ang totoong halaga ng P9,939 sa kasalukuyan ay bumagsak ng mahigit 50 porsiyento kumpara noong taong 2001 nang simulang ibigay ito ng ating gobyerno. Katumbas lamang ito ng halagang mababa pa sa P5,000.00 kada buwan.
Upang makaraos ang marami sa ating mga guro, pinapasok na nila ang ibat-ibang sideline. Hindi man lahat, marami sa ating mga guro ay naghahanap ng iba pang mapagkakakitaan tulad ng; paghahanap ng iba pang paaralang mapagtuturuan at/o pagtitinda ng kung anu-anong produkto tulad ng tosino, longganisa, panty at bra. Maaring matawa ang marami sa atin, pero ito ang katotohanan.
Nakalulungkot isiping alinman sa mga sideline na ito ang gawin ng mga guro, ay naitataya niya ng lubos ang dalawang bagay na napakahalaga sa kanya- ang kalidad ng edukasyon at ang kanyang dangal, ang kanyang dignidad. Masakit sa mga guro na gawin ang mga bagay na ito, subalit, wala silang magawa.
Mr. Speaker, kadalasan ay wala nang ibang mapagpipilian ang mga titser. Katulad nyo, kailangan niyang mabuhay nang maayos ang kanyang pamilya. Kailangan niyang mapag-aral nang mahusay ang kanyang mga anak. Kailangan niyang kumain nang wasto upang maghanda sa pisikal at mental na mga gawain sa araw-araw.
Kumakapit siya sa patalim. Madalas ay nabibiktima ng mga naglipanang loan sharks, na tila maging ang kapulungang ito ay hindi mapigilan ang pagdami. Sang-ayon sa report, umaabot na sa mahigit P55B ang kabuuang halaga ng utang ng ating mga guro sa mga DepEd accredited loan agencies pa lamang. Hindi pa natin binibilang ang mga usurero sa bawat paaralan, distrito at mga dibisyon. Hindi pa rin natin binibilang diyan ang mga titser na pati ang ATM Card ay isinasanla at ipinauubaya na sa mga pautangan ang pagkubra ng kanilang sahod buwan-buwan.
Mr. Speaker, distinguished colleagues, ang tinatalakay pa lamang ng kinatawang ito ngayon ay ang tungkol sa sahod. Wala pa diyan ang mga problema ng titser sa GSIS at iba pang loan sharks; ang pagbuwag at panghihimasok sa kanilang mga samahan at kooperatiba; ang paglalaan ng napakababang badyet para sa sistema ng pampublikong edukasyon; ang kawalan ng mga pangunahing pangangailangan sa paaralan at ang mabigat na work load.
Nakalulungkot isipin, na sa kabila ng katotohanang nabanggit na tungkol sa masaklap na kalagayang ekonomiko ng ating mga guro, ay nakuhang manahimik at magbulag-bulagan dito ng Kongreso sa loob ng limang taon.
Sa ngayon, tila nabuhayan ng loob ang ating mga guro sapagkat maugong ang balitang sa taong ito ay magkakaroon ng dagdag na sahod. Gayunman, ang binabalak na dagdag na suweldo ay hindi sasapat sapagkat ayon mismo sa DBM Secretary, 10% lamang ang ibibigay na umento sa mga empleyado ng gobyerno kabilang na ang mga guro. Kung ang liderato naman ng mayorya sa kapulungang ito ang tatanungin, sapat na para sa kanila ang umentong P1500 across-the-board.
Ngayon pa lamang ay sasalubungin na tayo ng diskuntento sapagkat alinman sa dalawang panukalang ito ng administrasyon ay hindi magiging katanggap-tanggap sa ating mga guro.
Mr. Speaker, matagal nang nahihimbing sa kapulungang ito ang HB 1064 na naggagarantiya sa umentong P3000 across-the-board ng mga kawani ng pamahalaan at mga pampublikong guro. Ang halagang ito ay nagsimulang hilingin ng ating mga manggagawa higit limang taon na ang nakaraan bilang "immediate economic relief" subalit sa kasawiang-palad, nananatili itong panukala.
Nabanggit ng kinatawang ito ang tungkol sa SSL, batas na dapat sana ay kumalinga at nagbigay ng makatarungang benepisyo sa mga kawani at guro. Subalit kabaligtaran ang nangyari. Ang batas na ito ay nagdulot ng malawak na demoralisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon. Dahil dito ay lumagpak ang sahod ng mga guro kumpara sa ibang empleyado ng pamahalaan. Isipin na lamang nating napakalaki ng agwat ng sahod ng mga guro sa suweldo ng mga freshmen sa PMA o mga trainees ng PNPA. Maging ang mga guwardiya sa ilang GFIs at GOCCs ay lubhang mataas ang sahod kumpara sa mga guro.
Maiisip tuloy nating mas kinakatigan ng gobyerno ang mga pulis at sundalo. Maaring dahil sa sila ang nakikipagdigma sa mga kaaway nito. Kung gayon man, ano ba ang dinidigma ng mga guro sa araw-avaw? Ang mga ginoo at binibining ito ay nakikidigma sa mas matindi at mapamuksang kalaban, ang kamangmangan.
At kung sasabihing salapi, ginto at pilak ang binabantayan at pinángangalagaá n ng mga security guards sa Bangko Sentral, mas mahalagang yaman naman ang pinangangalagaan ng ating mga guro. Hindi lamang sila nagbabantay, kundi sila mismo ang pumapanday ng gintong bukas ng buong sambayanan.
Mr. Speaker, ang kinatawang ito, sampu ng iba pang mga kasamahan ay nagsumite ng panukalang batas hinggil dito, ang Salary Upgrading Bill (HB 3044) na partikular na ginawa para sa ating mga guro. Layunin nitong iangat mula SG-10 patungong SG-19 ang benchmark position ng mga pampublikong guro. Sa totoo lang Mr. Speaker, ito ay paulit-ulit na lamang ni isinusumite sa lahat nang nagdaang Kongreso mula pa noong 9th Congress. Sa awa ng mahabaging langit áy wala pa ring pag-usad na nagaganáp para dito. Samantalang kung ilang ulit nang naamyendahan ang RA 6758 para pagbigyan ang ibang sektor ng mga kawani ng pamahalaan.
Ang mababang pasahod na ito sa mga guro ay hindi makatarungan, lalo pa at maraming matatabang pusa sa GSIS at ilang GFIs at GOCCs ang sumasahod ng higit kalahating milyong piso buwan-buwan.
Samantala, mismong ang DBM at CSC ay gumawa ng sarili nilang panukala, ang Government Compensation and Classification Act of 2006 (HB 5918). Nakatakdang baguhin ng panukalang ito ang kabuuang sistema ng pasahod, benepisyo at iba pang kompensasyon ng mga naglilingkod sa pamahalaan. Subalit tila yata maging ang principal sponsors nito ay hindi kayang ilaban ang panukala.
Sa nalalabing pahanon ng sesyon ng kapulungang ito ay ano ba ang maari nating magawa? Ang kasaysayan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang maglingkod sa ating mga guro- sa ating mga nasasakupan. Hahayaan ba nating manatili sa masahol na kalagayan ang mga tagahubog ng kabataan?
Hinahamon ko ang bawat isa sa kapulungang ito na ibigay ang kahilingan ng mga guro para sa mas mataas na sahod at salary grade. Hinahamon ng mga gurong naririto ngayon ang Kapulungang ito na halos dalawang dekada nang bingi sa hinaing at manhid sa katiisan ng mga pampublikong guro. Hinahamon ng mga gurong ito ang mga kinatawang nagnanais na manatili na sa Kapulungang ito at yaon ding mga nag-aambisyong umakyat sa Senado na magbigay katiyakan sa pagpapasa ng mga batas na kapaki-pakinabang sa ating mga maestro at maestra bago man lang magsara ang Kongreso.
Ang pagdagsa ng napakaraming guro sa bulwagang ito ngayon ay patunay lamang na sila ay buhay, gising at nagbabantay.
Bago ko makalimutan, may isa pang pasanin ng ating mga guro - ang compulsory poll duty. Isipin sana ng bawat isang kinatawan sa kapulungang ito na ang mga gurong ito ang siyang dumaranas ng lubhang pasakit at hirap masiguro lamang na malinis, maayos at mapayapa ang mga halalan. Sila ang masinop na bumibilang ng ating mga boto.
Sana naman bago magsara ang Kongreso ay bigyan natin ng kalinga ang mga guro bilang pagkilala sa lahat ng kanilang mga sakripisyo.
Bilang kinatawan ng mga manggagawa sa kapulungang ito, ako sampu ng aking partido ay buong-pusong nagpupugay sa mga pampublikong guro ng ating bansa. Sila ay katulad din naming mga manggagawa na hindi gaanong napapansin, winawalang-bahala at sa kabila ng lubos na kahalagahan ay hindi nabibigyan ng halaga. Ang mga guro ay bahagi ng uring manggagawa, kabilang sa mga maliliit sa lipunan. Kabilang sa mga pinagsasamantalahan .
ITAGUYOD ANG DIGNIDAD NG MGA GURO!
Maraming salamat, Mr. Speaker. Maraming salamat distinguished colleagues.
Ka Rene Magtubo read this speech in the presence of 5oo teachers belonging to Teachers' Dignity Coalition (TDC) in the gallery of the lower house.